VP Sara: Marcos administration umano ang “problema ng bayan,” hinamon na managot sa korapsyon
VP Sara: Marcos administration umano ang “problema ng bayan,” hinamon na managot sa korapsyon
Mariing binatikos ni Vice President Sara Duterte ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kasabay ng panawagan sa kaniyang mga tagasuporta na ipagpatuloy ang paglaban umano sa korapsyon, pang-aabuso at pagsisinungaling sa pamahalaan.

Sa kaniyang talumpati sa labas ng Quezon City Hall of Justice matapos na-postpone ang arraignment ng kasong grave threats na kanyang kinakaharap ngayong Biyernes ng umaga, Setyembre 11, nagpasalamat si Duterte sa mga dumalo sa pagtitipon, kabilang ang mga bumiyahe mula sa Mindanao, Visayas at Luzon upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa mga hakbang ng kasalukuyang administrasyon.

Kinuwestiyon din niya ang pagkakasangkot ni dating House Speaker Martin Romualdez sa flood control controversy, partikular kung paano umano napunta sa kaniya ang pondong sinasabing sangkot sa proyekto.

Ayon kay Duterte, hindi lamang ang mga taong nagsulat o namahagi ng pera ang dapat managot, kundi maging ang mga nag-apruba ng mga proyekto at nagbigay umano ng pondo.

Tinuligsa rin niya ang mga isinampang kaso laban sa kaniyang mga kaalyado at ang impeachment proceedings, na aniya ay isinasagawa nang walang sapat na ebidensya at ginagamit umano ang Kongreso upang maghanap pa ng mga magiging batayan laban sa mga Duterte.

Muling binanggit ng bise presidente ang pag-aresto at paglilipat sa dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague. Inakusahan niya sina Interior Secretary Jonvic Remulla, Defense Secretary Gilbert Teodoro, dating Executive Secretary Eduardo Año at Pangulong Marcos na may kaugnayan umano sa naturang insidente.

Hindi rin nakaligtas sa kaniyang batikos ang umano’y mga kontrobersiya sa paggamit ng pondo ng bayan. Nanawagan si Duterte na huwag kalimutan ng publiko ang mga alegasyon ng korapsyon, lalo na sa gitna ng mga problemang kinakaharap ng mga Pilipino gaya ng pagbaha, mataas na presyo ng pagkain, kuryente at tubig.

Sa kaniyang mensahe, sinabi rin ni Duterte na hindi dapat sa social media lamang isagawa ang laban kontra korapsyon, kundi dapat itong ituloy hanggang sa mga institusyon ng pamahalaan.

Iginiit niya na ang kaniyang ipinaglalaban ay hindi lamang para sa kasalukuyang henerasyon kundi para sa kinabukasan ng mga anak ng mga Pilipino.

“Ang laban natin ay laban para sa ating mga anak,” ani Duterte, habang nananawagan sa publiko na ipagpatuloy ang pagtutol sa umano’y korapsyon at pang-aabuso sa pamahalaan.

What's your reaction?

Facebook Conversations